Linggo, Nobyembre 2, 2025

Luksong baka, luksong baboy

LUKSONG BAKA, LUKSONG BABOY

luksong baka / ang laro ng / kabataan
noong wala / pa ang pesbuk, / kainaman
laro nila / ng katoto / sa lansangan
larong ito / ba'y iyo pang /naabutan?

ngunit iba / ang laro ng / mga trapo
nilalaro'y / pagnanakaw / nitong pondo
ng kawawang / bansa, na di / na sekreto
binababoy / ng kurakot / ang bayan ko

luksong baboy / pala yaong / nilalarò
nitong lingkod / bayang tila / ba hunyangò
habang masa / sa ayuda / inuutô
ninakawan / sila'y di pa / natatantô

lumulukso / ang kawatan / pakunwari
may insersyon, / kickback, lagay / at paihi
kabang bayan / pala yaong / binuriki
bilyong pisong / nakaw, masa'y / dinuhagi

na kung di pa / nagbabaha / sa kalsada
di nabuking / na binaboy / ang sistema
O, bayan ko, / binabahâ / kang talaga
mga trapong / kurakot ay / ikulong na!

- gregoriovbituinjr
11.02.2025

* mga larawan mula sa google

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Luksong baka, luksong baboy

LUKSONG BAKA, LUKSONG BABOY luksong baka / ang laro ng / kabataan noong wala / pa ang pesbuk, / kainaman laro nila / ng katoto / sa lansanga...