PAYABAT AT ARÔ
sa Anim Pababâ: Pangingitlog ng isdâ
at sa Labing-isa Pahalang: Munting bilog
ay, di ko batid ang gayong mga salitâ
tila baga kaylalim ng pananagalog
sinagot agad ang Pahalang at Pababâ
hanggang lumabas na kung anong tamang tugon
PAYABAT pala ang pangingitlog ng isdâ
at ARÔ ang maliit na bilog na iyon
dagdag kaalaman sa wikang Filipino
na dapat kong itaguyod bilang makatâ
na nais kong ibahagi kahit kanino
upang mapaunlad pa ang sariling wikà
maraming salamat sa PAYABAT at ARÔ
mga katagang kay-ilap na tila gintô
- gregoriovbituinjr.
10.23.2025
* krosword mulâ sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Oktubre 23, 2025, p 10
* Payabat in English: Definition of the Tagalog word payabat
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento