Lunes, Setyembre 1, 2025

Nais ko'y ukit na maso sa lapida

NAIS KO'Y UKIT NA MASO SA LAPIDA

sakaling mamatay / ang makatang kapos
ayoko ng daop / na palad o kurus
kundi yaong masong / gamit ng busabos
nang sistemang bulok / ay buwaging lubos

hindi natin batid / kailan babagsak
ang katawang lupa / sa putik o lusak
sakaling ibaon / saanpamang lambak
sa lapida'y nais / na ito'y itatak:

"narito'y makatâ / ng obrero't dukhâ
tagapagtaguyod / ng sariling wikà
tibak na Ispartan / sa puso at diwà
sistema'y palitan / ang inaadhikà

panay ang pagtulâ / kahit makulimlim
sa masa'y nagsilbi / ng tapat at lalim
sa dumaan dito't / sumilong sa lilim
nagpapasalamat / siya ng taimtim"

- gregoriovbituinjr.
09.01.2025

* larawan ay dinisenyo ng makatang galâ

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa ikawalong civil wedding natin, sinta

SA IKAWALONG CIVIL WEDDING NATIN, SINTA wala ka na'y naalala ko pa nang ikinasal tayong dalawa sa anong layong bayan ng Tanay gayong wal...