Lunes, Agosto 25, 2025

Bato-bato

BATO-BATO

bato-bato sa langit
ang tamaan ay huwag magalit
ang tamaan ay huwag magsungit
ang tamaan ay pangit

bato-batong kalamnan
kalusugan ay pangalagaan
kamtin ang malakas na katawan
at masiglang isipan

ang ibong bato-bato
zebra dove pala sa Ingles ito
kurokutok din ang tawag dito
mailap o maamo?

bato-bato'y lumipad
na mga pakpak ay iniladlad
sa puting alapaap bumungad
tila langit ang hangad

sabi, bato-bato pic
nagbarahan ang basura't plastic
batid na ngunit patumpik-tumpik
pag baha lang iimik

bato-bato sa lupa
ay tila di mo mahahalata
ngunit pag ikaw ay tumingala
naiputan sa mukha

- gregoriovbituinjr.
08.25.2025

* litrato mula sa google

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kagaya ko'y damong tumubo sa semento

KAGAYA KO'Y DAMONG TUMUBO SA SEMENTO kagaya ko'y damong tumubo sa semento ganyan ako ngayon, talagang nagsosolo nang mawala si misis...