Biyernes, Hunyo 27, 2025

Paruparong puti

PARUPARONG PUTI

paruparong puti ay aking nabidyuhan 
madaling araw noong nakipag-inuman
habang aking mata'y papikit-pikit naman
paruparong puti ba'y anong kahulugan?

siya ba'y tanda ng kaluluwang dumalaw?
siya ba'y nilalang na pangmadaling araw?
para sa tigib ng lungkot o namamanglaw?
isa ba siya sa mga diwatang ligaw?

paniniwala't pamahiing samutsari
na lumilitaw pag may nagdadalamhati 
iba't ibang kulay, may paruparong puti 
"Ikaw ba iyan?" sa labi ko'y namutawi

mabuti na lang at nabidyuhan ko agad
ang pagdalaw niya't mabilis na paglipad
sa pantalon ko pakpak niya'y inilahad
kaygandang mariposang sa akin napadpad 

- gregoriovbituinjr.
06.27.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/19K5FUycre/ 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa ikaapatnapung araw ng paglisan

SA IKAAPATNAPUNG ARAW NG PAGLISAN tigib pa rin ng luha ang pisngi talagang di pa rin mapakali manhid ang laman, walang masabi nang mawala na...