Sabado, Nobyembre 30, 2024

Ang mamahalin at ang mumurahing saging

ANG MAMAHALIN AT ANG MUMURAHING SAGING

nakabili ako ng saging sa 7-11
pagkat nais ko'y panghimagas matapos kumain
isa iyong lakatan subahil kaymahal na rin
ngunit ayos lang sapagkat tiyan ko'y nabusog din

hanggang mabasa ko'y isang balita sa internet
isang banana art na sa dingding ay ipinagkit
ay isinubasta at milyonaryo ang nagkamit
presyo'y 6.2 million dollar, wala nang humirit

tila sa kanya, presyo niyon ay napakamura
gayong sa akin, yaong bente pesos na banana
ay mahal na, talagang nakabubutas ng bulsa
magkaibang uring minulan, sadyang magkaiba

marahil, pareho rin naman ang aming saging
kung matamis sa kanya, matamis din ang sa akin
ginawang banana art ang kanya kaya mahal din
subalit kapwa may potassium din kapag kinain

- gregoriovbituinjr.
11.30.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pinainom si alaga

PINAINOM SI ALAGA bago umalis sa tahanan at tumungo sa pupuntahan ay akin munang pinainom si alagang uhaw na uhaw at sabay din kaming kumain...