Lunes, Mayo 13, 2024

Ang bisyo ko'y dyaryo

ANG BISYO KO'Y DYARYO

wala akong bisyo tulad ng toma't yosi
ngunit araw-araw gumagastos ng bente
pesos sa mga dyaryong Pang-Masa't Abante
pag isa'y wala, Bulgar ipapalit dini

tumatagay din minsan kapag may okasyon
buti pa ang dyaryo't may mga ulat doon
ano na bang nangyayari sa bansa ngayon?
anong isyung pambayan ang di mo malulon?

balita, tsismis, kasaysayan, kaalaman
mayroon ding nobelang sinusubaybayan
hanap-salita at krosword, palaisipan
aritmetik at sudoku, palatambilang

tulad ng aklat, sa dyaryo na rin naadik
may socmed man, uso pa rin ang natititik
kaya bente pesos ay nakahandang salik
upang dyaryo'y bilhing walang patumpik-tumpik

- gregoriovbituinjr.
05.13.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

No right turn, di agad makita

NO RIGHT TURN, DI AGAD MAKITA natatakpan ng haligi ang karatula "no right turn on red signal" , di agad makita buti kung ang drayb...