Lunes, Marso 14, 2022

Bakas sa nadaanan

BAKAS SA NADAANAN

doon sa aking nadaanan
ay may bakas ng nakaraan
kayrami bang pinagdaanan
sa mga panahong nagdaan

nais kong humakbang palayo
subalit saan patutungo
ang tulad kong nasisiphayo
ngunit di naman sumusuko

tititig na ba sa kisame
ang tulad kong dumidiskarte
sa pagtula o mga arte
na isang gawaing masiste

lipunang makatao kaya'y
maitayo ng manggagawa
ang taumbayan ba o madla'y
laban sa sistemang kuhila

ah, kayrami kong naiisip
mga katagang di malirip
solusyon kaya'y mahahagip
upang hininga'y di magsikip

buhay ng dukha'y nakalugmok
ang makata'y nakayukayok
kung palitan sistemang bulok
ito kaya ay matatarok

- gregoriovbituinjr.
03.14.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pakikiisa sa mamamayang Palestino

PAKIKIISA SA MAMAMAYANG PALESTINO naritong nagpupugay ng taaskamao sa lahat po ng mamamayang Palestino sa  International Day of Solidarity w...