Lunes, Oktubre 25, 2021

Basura

BASURA

mula sa "To All The Girls I've Loved Before" na awitin
na minsan ko nang kinanta't makabagbag-damdamin
ngayon, ito nga'y binago ng ilang malikhain
"To All The Wastes I've Trashed Before" na pumukaw sa akin

isang paalala sa mali nating ginagawa
tapon kung saan-saan, sa basura'y balahura
kayraming basurang plastik sa paligid at diwa
tila kalikasan na'y ating binabalewala

maruming kinahihinatnan ng ating paligid
mga isda sa laot, sa plastik na nabubulid
hayop, ibon, sa plastik na basura nasasamid
gayon din ang tao, paano ito mapapatid

pinag-uusapan sa mundo'y nagbabagong klima
lalo't sa Nobyembre, COP 26 ay simula na;
dapat pag-usapan din ang tumitinding basura
paano lulutasing sama-sama ang problema

may ginagawa, ngunit di sapat ang mag-ekobrik
lalo't may naglilipana nang mga microplastic
eh, paano pa ang di na makitang nanoplastic
na baka sa ating kinakain pa'y nagsumiksik

"To All The Wastes I've Trashed Before" ay ating pagnilayan
tandang may dapat tayong gawin sa kapaligiran
plastik na basura'y paano ba sosolusyonan
upang luminis ang paligid at kinabukasan

- gregoriovbituinjr.
10.25.2021

ang litrato ay screenshot mula sa fb
COP 26 - ika-26 na pulong ng taunang Conference of Parties on Climate Change, na magaganap sa Nobyembre 2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

No right turn, di agad makita

NO RIGHT TURN, DI AGAD MAKITA natatakpan ng haligi ang karatula "no right turn on red signal" , di agad makita buti kung ang drayb...