Miyerkules, Hunyo 9, 2021

Sa papag na kahoy

SA PAPAG NA KAHOY

wala akong tinitiklop na kulambo o banig
pagbangon sa umagang mabanas, mahalumigmig
wala ring kumot pag natulog sa papag o sahig
wala ring pakialam kung dama'y gabing kaylamig

mahalaga sa pagtulog ay mapikit ang mata
at sa gayon lamang ako nakapagpapahinga
walang borloloy tulad ng malalambot na kama
ang unan man ay aklat, may ginhawang nadarama

doon ko inaalagata ang maraming paksa
doon nakakatagpo ang diwatang minumutya
na sa panaginip ay palaging kasalamuha
kaya madalas na tulala ang abang makata

naroon lang sa papag sa bawat kong paninimdim
sa pagitan ng bukangliwayway at takipsilim
di ako papayag na basta mabulid sa dilim
upang lamunin lang ng halimaw, ng kanyang talim

sa bawat pagdurusa'y saksi ang papag na iyon
kasangga sa bawat pagsisikap ko't nilalayon
di ko na inaasahang makapaglilimayon
habang pinagmamasdan ang kislap ng dapithapon

- gregoriovbituinjr.
06.09.2021
Writers' Rights Day

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

No right turn, di agad makita

NO RIGHT TURN, DI AGAD MAKITA natatakpan ng haligi ang karatula "no right turn on red signal" , di agad makita buti kung ang drayb...