Lunes, Hunyo 22, 2020

Tanaga't dalit sa papel na makitid

limang short bond paper lang ang kailangan ko noon
ginupit ang long bond paper upang maging short iyon
dalawang pulgadang papel din ang napilas doon
sayang lang kung di magamit ngunit di ko tinapon

sa halip gupitin ang long bond paper, di ba dapat
bumili na lang ng short bond paper, subalit salat
sa salapi't gabi na, tindaha'y saradong lahat
napilas na papel pala'y magagamit kong sukat

inistapler ko yaong mga papel na ginupit
lapad ay dalawang pulgada, handa nang magamit
haba'y walo't kalahating pulgada, ito'y sulit
at masusulatan na ng mga tanaga't dalit

tanaga'y tulang may pitong pantig bawat taludtod
sa dalawang pulgadang papel ay kayang mahagod
dalit nama'y tigwawalong pantig bawat taludtod
mga katutubong tulang kaysarap itaguyod

parang papel ng huweteng, sinulatan ng tula
sa papel na makitid, kayrami nang makakatha
di nasayang ang papel na puno ng dusa't luha
nagamit sa panitikang may diwa ng paglaya

- gregbituinjr.
06.22.00

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

No right turn, di agad makita

NO RIGHT TURN, DI AGAD MAKITA natatakpan ng haligi ang karatula "no right turn on red signal" , di agad makita buti kung ang drayb...